Sunday, February 25, 2007

Sa labas ng pintuan.

Sa Labas ng Pintuan

Sa labas ng pintuan
Sa labas ng kagalakan
Sa labas ng katinuan

…Pairalin ang kaululan

Ilabas ang hinanakit,
Ang mga pasakit
At paugungin ang tawanan,
Ang kasiyahan.
Nang hindi maalintana ang sa iyo’y nakadagan

Walang pakialam sa bukas;
Ang mahalaga ay ang pagtakas.
Mapait na lunas,
Para sa mapait na dinaranas.

Isa, dalawa, apat
Ano nga ba ang nakasapat?
Ano nga ba ang siyang nakatapat?
Sa damdaming hindi tuluyang malapat

Ang mga multo ng mga asong matatalim ang pangil at namumula ang siyang mga mata
Hanggang kailan pa ba sila kailangang takasan?

Ang isang anghel na makasasalba sa isang pusong naghihingalo
Hanggang kailan pa ba siya sa nangangailan ay iiwas?
-
Nakasasakal na mga posas;
Ako’y iyo ng pawalan
Sakit na walang lunas;
Ako’y iyo man lang tulungan ito’y maibsan.

Aking mga panaghoy ay iyong pakinggan
-

Wednesday, December 13, 2006

Kabalintunaan ng buhay: Sa mga kaarawan

Ang mga kaarawan ay ating sinasalubong ng mga handaan at kasiyahan. Mula sa mga pagbati hanggang sa paghahandog ng mga regalo, ang mga nakikibahagi sa tinataguriang espesyal na araw na ito ng isang taong kakilala ay may galak sa kanilang puso para sa taong nagdiriwang.

Happy birthday.

Sinasabi na ng dalawang salitang iyan ang tipikal na pagtingin sa mga kaarawan.
-
Pagbigyan ninyo ako, at hanguan ng pasensya sa mga pesemistikong kataga na aking ibubulalas sa mga susunod na linya.
-
Sa mga kaarawan, tulad nga ng aking nabanggit kanina, nagdiriwang at sadyang nagkakasiyahan ang mga tao. Ang kasiyahang kanilang ginagawa, kalimitang hindi lamang nila alam, ay isang kasiyahan na nagbibigay ng kabalintunaan sa mga kaarawan. Masayang masaya sila sa pagdiriwang na ito na isa namang pagdiriwang na naghuhudyat ng paglapit sa kamatayan ng taong sentro ng pagdiriwang.
Habang ang tao ay nadaragdagan ng gulang, hindi lamang siya nadaragdagan ng bilang ng taon na siya ay nabubuhay rito sa mundong ibabaw, datapwa’t siya rin ay nababawasan ng bilang ng taon na siya’y sa mundong ito mamamalagi.
-

Ang kamatayan ay anino ng buhay.
Tulad ng araw at gabi’y laging magkadikit at nagpapalitan ang dalawa at tayong pawang mga tao ay walang magagawa upang piglasin ang koneksyon ng mga ito sa isa’t isa; gaano man natin ito gustuhin.

Isang sakit na walang lunas.

Isang Sakit na Walang Lunas
ni Diana Bernal Diwa


Babadya-badya siya sa mga ating kamulatan
Aali-aligid siya sa mga ating kahinaan
Sinisipat, sinusuri
Minamatyag, tinataguri
Ang sa katawan nati’y naninirahan na kaluluwa

Sa kanyang pagdampi
Ang kawawang katawa’y naiiwang
pipi
At mula sa puso’y tatagas
Ang walang kasing puti na gatas
At ang sadyang tinagusan na tagapagbigay buhay, pumupukaw na kadalamhatian ang hihimlay


-
hm.sa palagay ko, medyo bitin ang tula...try ko pa siya dagdagan nxt time.:D

Monday, December 11, 2006

Sa kaligayahan.

Wag maging masyadong masaya.
-Professor x

Yan ang aking natutunan nang maligaya kaming nagmamadaling maglakad ni professor x (jd) papuntang chem. building upang magpasa ng aming mga lab report; sa gitna ng aming mga tawanan, sa kasamaang palad, ay nahulog ang aking lab report sa daan na siyang nakapagdulot sa akin ng isang matinding bulugso ng damdamin.
Isang malaking pasasalamat na lamang na si Ginoong Humbert ay mapalad na nakita ang aking papel sa daan.
-
Wag masyadong masaya.
Napaisip ako nang narinig ko ang mga katagang ito. Ano ba naman kasi ang masama sa labis na kasiyahan?
Lahat daw ng bagay, ‘pag labis, ay masama.
Totoo ito sa mga karaniwang bagay tulad ng sigarilyo at sopdrinks, ngunit pagdating sa kaligayahan...
Maaari. Puwede rin. Kung sa bagay, sa sobrang kasiyahan ay mayroon tayong mga bagay na nakaliligtaan(tulad ko na lamang nang aking nahulog ang pinakamamahal kong lab report). Mga bagay na tulad na lamang ng katotohanan na sa ating kasiyahan ay maaaring mayroong nasasaktan o kaya naman ay habang tayo ay naghahalakhakan ay maraming tao ang sa panahong iyon ay naghihikahos.
-
Lahat ng tao ay nagtatamasang maging maligaya. Maaaring sabihin na kahit ang mga hayop din ay nangangarap rin nito.
Ang nakakatawa nga lamang, sa paghahabol natin sa pangarap na ito, hindi maiiwasang mayroong mga taong tayo ay masasagasaan at sa pangyayaring ganito ay napalulumbay.
Bakit kaya ganoon ano? May kapalit ang bawat bagay. Wala kang makukuhang libre kahit anong mangyare. Wala ang ika nga nila sa inggles, no strings attached.
Sa kasakitan ng iba, ang kaligayahan mo ay maisasakatuparan. Kadalasan hindi natin ito alam. Kung alam man natin, ating iniiwasan ang katotohanan na ito. Tayo ay nagbubulagbulagan dito. Marahil ito ay dahil sa likas sa sangkatauhan ang pagiging makasarili; ang pag-uuna sa sarili bago ang iba. Nakalulungkot. Isa itong nakalulungkot na katotohan na kahit ang pananampalataya ay hindi tuluyang maialis sa atin.
-
Bakit hindi puwedeng ang lahat ng tao ay maging masaya?

Sapagkat sa pagkakaroon ng mundong puno ng mga taong nakangiti sa kaligayahan na sa kanilang puso ay pumupuno, sa mundong iyon ay hindi na masasabing ang kaligayahan ay may katotohanan; na ang kaligayahan ay totoo.

Mayroon lamang kasiyahan kung mayroong kalungkutan.
Mayroon lamang taong masasaya kung mayroong mga taong malulungkot.
-
Sa aking mga palagay,
Sana lamang ay tuwirang mali ako.

Sunday, December 10, 2006

Isang sagot sa lahat ng mga katanungan

Fanaticism is the only way to put an end to the doubts that constantly trouble the human soul
-Coelho in The Zahir


Napakadaming relihiyon sa mundo; at napakaraming tao ang sa bawat isa ay sunud-sunuran o kahit papaano ay may pananampalataya.
Ang ganitong ‘setup’ ay hindi nakapagtataka. Kung hindi kasi ganito, baka tayo’y nabaliw na. Ang kamangmangan natin sa libu-libong mga bagay ay maaaring kainin tayo ng buhay kung hindi natin sila bibigyan ng kasagutan sa pamamagitan ng paniniwala sa isang bagay o tao na higit sa atin.
Mapag-isip ang sangkatauhan at lubos na kailangan niya ng katwiran sa kung bakit tayo ay mayroong buhay; kung bakit tayo’y naririto ngayon.
Sa pamamagitan ng paniniwala at pagtitiwala na mayroong Manlilikha na siyang nagbigay buhay sa atin, nagkakaroon ng kasagutan ang mga katanungang tulad ng: Bakit ako nasa mundong ibabaw? May halaga ba ako? Ano ba ang mangyayari sa aking kamatayan?
Ang pagresolba sa pamamagitan ng pananampalataya ang pinakamadaling gawin. Lahat ng mga bumabagabag sa ating isipan ay sa pananampalataya, may tiyak na kasagutan.

Aking aaminin na hindi ako isang relihoyosong tao. Hindi ako nagsisimba, nakalilimutan kong magdasal, at hindi man lamang ako nagbibigay galang sa simbahan kung ito ay aking madadaanan. Ganun pa man, ako ay may pananampalataya.
Naniniwala ako na mayroong Diyos at naniniwala rin ako na hindi ko ito kailangang ipanakikita sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinataw ng simbahan na nararapat gawin ng isang katoliko. Ang simbahan, hindi nga ba, ay pinatatakbo lamang ng pawang mga tao.

Naisip ko lamang: paano kung ang lahat pala ng mga relihiyon ay pawang peke?
Sa totoo lamang, ngayon ay wala na akong pakialam. Mapatunuyan mang peke nga ang mga ito ay maniniwala pa rin ako na may Diyos at maninindigan pa rin ako sa kanya.
]Isang masyadong nakatatakot na bagay kasi ang mawalan ng paniniwalaan, ng isang sandigan na lagi mong maaasahahan.

Nakangingilabot ang maniwala na walang Diyos; ang kawalan nito ay nangangahulugan na ang tao ay isa lamang hayop. Isang hayop na nagkataon lamang na nakapag-evolve. Hindi siya espesyal at walang katuturan ang buhay.

Saturday, December 9, 2006

Baka.

Baka. Ang buhay, mula sa unang pagpintig hanggang sa huling paghinga ay isang tanikala ng mga baka.
-Lingat sa
Kung Wala na ang Tag-araw

Totoo naman hindi ba. Ang buhay ng tao ay tunay na punung-puno ng mga agam-agam. Walang bagay ang mayroong tuwirang katiyakan.

Sa kasalukuyan, napakaraming mga baka ang sa isip ko ay bumabagabag; mula sa mga ubod ng kabababawan na mga bagay(tulad ng Baka hindi masarap ang ulam mamayang gabi), hanggang sa mga sukdulan naman sa kaseryosohan(tulad ng Baka hindi ko kayanin ang kurso ko).

Sa mga baka sa ating buhay, sa aking palagay ay isa lamang ang maaari nating gawin; maging positibo sa pag-iisip.
Kung ang pagiging negatibo natin ang paiiralin, walang mangyayari sa ating buhay. Tulad ng sinasabi ng marami, kung ang iisipin natin sa pagharap ng isang pagsubok ay negatibo, hindi ka pa nagsisimulang lumaban ay talo ka na.

Mahirap gawin ang mag-isip ng positibo lalo na kung halos lahat ng bagay na nakapaligid sa atin at lahat ng may kinalaman sa hinaharap na pagsubok ay nagtutulak sa ating mawalan ng pag-asa. Ang pagsasawalang bahala sa mga bagay na ito ang tanging bagay na maaaring gawin at ang hindi kailanman pagpapatalo sa sariling mga pagaalinlangan.

Ang tuwirang pagharap sa mga baka sa buhay ng taos-pusong may pananalig na sa huli ay magiging mabuti at maayos ang lahat, sa aking palagay, ang siyang magpapalakas sa tao at magpapanatili sa matiwasay at masagana niyang pamumuhay.

Friday, December 8, 2006

11 minutes


in the search for happiness, we are all equal: none of us is happy - not the banker/musician, the dentist/writer, the checkout girl/actress, or the housewife/model.

suffering, if confronted without fear, is a passport to freedom


kababasa ko lamang ng 11 minutes na akda ni paulo coelho. aha. kaddownload ko lang ng ebook niya mga 5-6 hours ago. pagkatapos na pagkatapos ko idownload, nagsimula na ko, at katatapos ko lamang. haha. nahook?!. okay naman. haha. kasalanan mo to ish. haha. 'kinyuryus' mo kasi ko e. haha
-
i would like to take this opportunity to thank esnips.com for providing me a free copy of 11 minutes and giving me access to the other works of paulo coelho. :D

new noise - refused

typecast link

Listen to Typecast

ako.mgakaibigan.ako.mgakakilala.atako.:D